KULTURANG INFANTAHIN, IHAYIN!
KULTURANG INFANTAHIN, IHAYIN!
Nais mo ba pumunta sa isang lugar na puno ng kasaysayan, tradisyon, at sining?
Hindi mo dapat palampasin ang Infanta, Quezon. Isa itong bayan na bahagi ng probinsya ng Quezon, kung saan nagtatagpo ang mga bundok at dagat, na nagbibigay ng kakaibang karanasan sa mga bumibisita.
Ang mga taga-Infanta, na kilala rin bilang mga "Infantahin," nagtataglay ng kabutihan at mainit na pagtanggap sa mga bisita. Makikita mo ang mga ngiti sa kanilang mga mukha habang nakikipagkwentuhan sila tungkol sa mga kwento ng kanilang bayan at ang mga bagong kaganapan sa bayan. Ang kanilang kasipagan at pagkakaisa ay nagpapakita ng tibay ng samahan ng mga Infantahin.
Sa Infanta, ang mga pagdiriwang ay isang mahalagang bahagi ng kultura. Isa sa mga pinakapinagkakaguluhang selebrasyon ay ang kapistahan ng Infanta na ginaganap tuwing ika-25 ng Abril. Dito, makikita mo ang mga makukulay na parada, arko, paligsahan, at mga palabas na nagpapakita ng talento ng mga Infantahin. Ang kanilang mga sayaw at musika ay naglalarawan ng mayamang kasaysayan ng bayan at ang kanilang pagmamahal sa sining.
Syempre, hindi kumpleto ang pagbisita sa Infanta kung hindi matitikman ang mga putaheng sumasalamin sa kanilang kultura. Subukan ang "Sukang Sasa," isang espesyalidad sa Infanta na masarap gawing sawsawan. Subukan rin ang sikat na inuming "Lambanog" na hindi mawawala sa isang okasyon. Samahan pa ng sariwang isda at pagkaing dagat, na sagana sa Infanta dahil sa kalapitan nito sa dagat. Kung gusto mo naman ng matamis, hinding hindi mawawala ang "Suman sa Gata" na popular at kilalang kilala sa lugar.
Ang Infanta ay kilala rin sa mga magagandang tanawin at natural na yaman. Isa sa mga dapat bisitahin ay ang mga malilinaw at asul na yamang tubig katulad ng, Blue Pavillon, Marpets, Km 3 at marami pang iba na kilala sa mala-paraiso nitong tanawin. Para sa mga mahihilig sa nature trip, ang "Pinlac Falls" at "Km 90" ay isang magandang destinasyon, nagtataglay ito ng mataas na talon at malamig na tubig.
Ang Infanta, Quezon ay isang lugar kung saan talagang mararamdaman mo ang kultura, tradisyon, at sining. Ito'y isang bayan na puno ng buhay at kulay, at laging handang magbigay ng masayang karanasan sa mga bisita o turista. Kung gusto mong maranasan ang tunay na diwa ng isang probinsya, ang Infanta ang isa sa mga dapat mong puntahan.
KATA NA SA BAYAN NG INFANTA!